Hello sa inyong lahat, ako si Erica. |
Ang Sinulog Festival ay isang linggong pagdiriwang sa probinsiya ng Cebu. Ang pinakaabangang bahagi ng pagdiriwang na ito ay ang parada na nagaganap sa ikatlong linggo ng Enero. Ang pistang ito ay kilala bilang isa sa pinakamalaking pista at kasiyahan sa buong bansa. Sa paradang ito, lahat ng tao ay sumasayaw kasabay ang kumpas ng tambol bilang pagbibigay galang sa Santo Niño. |
Alamin natin ang mga kaganapan sa pistang ito! |
Alam niyo ba kung bakit Sinulog ang pangalan ng pistang ito? |
Sasabihin namin ang sagot sa katapusan ng video na ito. |
Sinasabing nagsimula ang pagdiriwang ng Pista ng Sinulog nang ibigay bilang regalo ni Magellan ang imahen ng batang Hesus kay Reyna Juana ng Cebu nang siya ay binyagan bilang Kristiyano. Ang imahe ng batang Hesus ay tinawag na Santo Nino. Hindi nagpatuloy ang Kristiyanisasyon ng buong probinsiya dahil sa namatay si Magellan nang makalaban niya ang datu ng Mactan na si Lapu-Lapu. Matapos ang 44 na taon, natagpuan ng isa sa mga sundalo ni Miguel Lopez de Legaspi ang imahen ng Santo Nino sa loob ng isang kahon sa loob ng isa sa mga nasusunog na kubo. |
Ang Sinulog ay tumatagal ng siyam na araw. Dahil sa ang araw na ito ay iniaalay bilang araw ng pasasalamat sa Santo Niño, sinisimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga misa mula alas quatro ng umaga. Una rito ay ang Mañanita Mass, susundan ng Pontifical Mass, at ang huli ay ang Holy Mass. Bago ang pinakaaabangan na parada, magkakaroon ng prusisyon sa ilog kung saan ang imahen ng Santo Nino ay isinasakay sa isang bangkang pinalamutian ng mga kandila at bulaklak at ipapaanod ito mula Mandaue City hanggang Cebu City. |
Ang pinakahihintay ng lahat ay ang Grand Street Parade na tumatagal ng siyam hanggang labindalawang oras. Ang mga kalahok na nagmumula pa sa iba't ibang bayan ay nagsusuot ng mga makukulay at magagarbong kasuotan at sumasayaw sa saliw ng iba't ibang instrumento. Tuwing ipinagdiriwang ang Sinulog, sinisigaw ng mga tao ang "Viva Pit Senor". Ang pagbating "Pit Senor" ay pinaiksing "Panangpit sa Senor" na isang tawag sa Panginoon, sa Senor Santo Nino, kung para kanino ipinagdiriwang ang Sinulog. |
Ang sayaw na binubuo ng dalawang hakbang paharap at isang hakbang palikod ay unang sinayaw raw bilang pasasalamat sa mga anito. Sinasabing ang sayaw ng Sinulog ay ginagawa na ng mga Taga-Cebu bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas 400 taon na ang nakakaran. |
At ngayon, ibibigay ko na ang sagot sa tanong kanina. |
Alam niyo ba kung bakit Sinulog ang pangalan ng pistang ito? |
Ang salitang Sinulog ay nagmula sa salitang Bisaya na "sulog." Ang ibig sabihin ng salitang ito ay "parang agos ng tubig" na maihahalintulad sa daloy ng galaw sa sayaw ng Sinulog. |
Kamusta ang lesson na ito? May interesanteng bagay ba kayong natutunan? |
Anong pista sa inyong bansa ang kagaya ng Sinulog? |
Mag-iwan kayo ng kumento sa FilipinoPod101.com. Hanggang sa susunod na lesson! |
Comments
Hide