Hello sa inyong lahat, ako si Erica. |
Ang Araw ng Kalayaan ay ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo taon-taon. Hindi lamang sa Pilipinas ipinagdiriwang ang araw na ito! Kung saan man may Pilipino, may selebrasyon rin! |
Sa araw na ito, nagbabalik-tanaw sa kasaysayan ang mga Pilipino at ina-alala nila ang mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para makamit ang kalayaan ng bansa. |
Tara, alamin natin kung paano ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang espesyal na araw na ito! |
Sa lesson na ito, malalaman natin kung paano inaalala ng mga Pilipino ang kasaysayan ng pagkamit nila sa kalayaan. |
Alam niyo ba na dalawa ang araw ng kalayaan ng Pilipinas? Kung ang isa ay sa ika-12 ng Hunyo, kailan naman ang isa pa? |
Sasabihin namin ang sagot sa katapusan ng video na ito. |
Sa araw na ito. sabay-sabay na itinataas ang watawat ng Pilipinas kasabay ang pagkanta ng Lupang Hinirang sa iba't ibang makasaysayang lugar sa bansa. Ito'y dahil noong ika-12 ng Hunyo 1898 naganap ang unang pagtataas ng bandila at unang pagkanta ng pambansang awit bilang isang malayang bansa. |
Pagdating ng hapon, ang mga paggunita at ang paradang sibil-militar ay ipinagpapatuloy sa Quirino Grandstand. Dumadalo ang presidente, bise presidente at ang iba't ibang mahalagang mga bisita sa paradang ito. Nakapaloob rin sa parada ang iba't ibang marching band at karosa. Maliban dito, mayroon ring mga pagtatanghal ng mga koro at pangkat ng mananayaw upang ipagdiwang ang araw. |
Ang mga Pilipinong naninirahan sa labas ng Pilipinas ay may kaniya-kaniya ring paraan ng pagdiriwang. Isa na rito ang Parada ng Kalayaan sa New York City, United States tuwing unang linggo ng Hunyo. Naging parte na ng tradisyon na ng mga Pilipino sa Amerika ang paradang ito at nagsisilbi itong pagkakataon upang ipakilala ang kulturang Pilipino, maka-likom ng pera pang kawanggawa, at makapagsama-sama ang mga Pilipino doon. |
Sa ika-28 ng Mayo pa lamang, sa tinaguriang Araw ng Watawat, nagsisimula nang maglagay ng bandila ang mga tao sa kani-kanilang mga bahay. Mula sa malalaking establisiemento hanggang sa mga maliliit na tindahan, para sa selebrasyon ng kalayaan marami ang naglalagay ng mga makabayang palamuti. |
At ngayon, ibibigay ko na ang sagot sa tanong kanina. |
Alam niyo ba na dalawa ang araw ng kalayaan ng Pilipinas? Isa noong ika-12 ng Hunyo, alam niyo ba kung kailan yung isa pa? |
Ang unang araw ng kalayaan ng Pilipinas ay noong ika-12 ng Hunyo 1898 mula sa Espanya. |
Ang ikalawa ay naganap naman noong ika-4 ng Hulyo 1946 mula sa Amerika na ngayon ay tinatawag na Philippine-American Friendship Day. |
Kamusta ang lesson na ito? May interesanteng bagay ba kayong natutunan? |
Kayo, paano niyo ipinagdiriwang ang inyong Araw ng Kalayaan? |
Mag-iwan kayo ng kumento sa FilipinoPod101.com. Hanggang sa susunod na lesson! |
Comments
Hide