Hello sa inyong lahat, ako si Erica. |
Alam niyo ba kung ano ang Huwebes Santo? Ito ang Huwebes bago ang Linggo ng Pagkabuhay, at kabilang ito sa Semana Santa. Ayon sa Bibliya, ito ang araw kung kailan naganap ang Paghuhugas ng Paa at Huling Hapunan ni Hesus. |
Dahil karamihan sa mga Pilipino ay Katoliko, isa ito sa mga pinakamahalagang araw sa bansa. |
Sa lesson na ito malalaman natin kung paano nagninilay ang mga Pilipino sa panahong ito. |
Alam niyo ba kung bakit tuwing Huwebes Santo, halos walang kotseng dumadaan sa pinakatrapikong kalye sa Maynila? |
Sasabihin namin ang sagot sa katapusan ng video na ito. |
Sa araw na ito ipinagdiriwang ang huling misa bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang misang ito ay mahalaga sapagkat nakapaloob rito ang pagsasadula ng Paghuhugas ng Paa ng mga Apostol kung saan ang pari, bilang Hesus, ang maghuhugas ng mga paa ng mga lay minister, bilang mga apostol. |
Sa misang ito rin makikita ang unang pagtatatag ng Eukaristiya ayon sa Huling Hapunan sumunod sa prusisyon ng Santisimo Sakramento. |
Dahil ito ang simula ng Pasyon ni Hesukristo, may iba't ibang paraan ng pagninilay ang mga Pilipino. Sa araw na ito, maraming Pilipino, lalo na ang kabataan mula sa Metro Manila na nagsasagawa ng prusisyon. Sila'y naglalakad ng mahigit kumulang na 25 kilometro paakyat ng bundok patungo sa Antipolo Church. |
Ang isa pang paraan na pagninilay at pagalala sa paghihirap ng Panginoon ay ang tradisyon ng Visita Iglesia. |
Ang Visita Iglesia ay madalas ginagawa kasama ang pamilya sa gabi ng Huwebes Santo. Dito, bumibisita ng pitong simbahan ang mga tao habang dinadasal ang Daan ng Krus. Ang dasal na ito ay naglalarawan ng mga pangyayari sa Pasyon o ang huling oras ni Hesus sa labing-apat na estasyon ng krus. |
Sa mga araw ng Huwebes Santo, kaunti lamang ang mga establisiemento na bukas. Pati ang mga channel sa telebisyon ay kaunti lamang ang pinapalabas. Kaya naman maraming Pilipino ang gumagamit sa panahong ito upang maging mas malapit sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pananatili sa kani-kanilang mga tahanan. |
At ngayon, ibibigay ko na ang sagot sa tanong kanina. |
Alam niyo ba kung bakit tuwing Huwebes Santo, halos walang kotseng dumadaan sa pinakatrapikong kalye sa Maynila? |
Dahil ito sa ang Huwebes Santo ang simula ng magkakasunod na araw na walang pasok sa trabaho o opisina kung kaya madalas umuuwi ng probinsya o kaya ay nagpupunta ang mga tao sa ibang bansa upang magbakasyon. Dahil dito, kaunti lamang ang nananatili sa Maynila sa panahong ito. |
Kamusta ang lesson na ito? May interesanteng bagay ba kayong natutunan? |
Anu-ano ang mga karaniwan niyong ginagawa sa panahon ng Semana Senta? |
Mag-iwan kayo ng kumento sa FilipinoPod101.com. Hanggang sa susunod na lesson! |
Comments
Hide