Hello sa inyong lahat, ako si Erica. |
Sa leksyon na ito, pag-uusapan naman natin kung paano ipinagdiriwang ang Chinese New Year sa Pilipinas. Ang pagdiriwang na ito ay sumusunod sa lunar calendar at pinangununahan ng mga Chinese at mga Filipino Chinese na naninirahan sa bansa. Ipinagdiriwang ito dahil sa mga katangi-tanging selebrasyon, pagkain at paniniwala na nakapaloob sa tradisyong ito. |
Sa lesson na ito, malalaman natin kung paano ipinagdiriwang ang Chinese New Year sa Pilipinas. |
Anong pagbati ang sinasabi ng mga tao tuwing sasapit ang Chinese New Year? |
Sasabihin namin ang sagot sa katapusan ng video na ito. |
Isa sa paborito ng mga Pilipino, kahit ng mga hindi dumadalo sa mga pagdiriwang ng Chinese New Year ay ang mga pagkain na malimit ihanda sa panahong ito. Ang pinakakilala ay ang tikoy! Isa itong uri ng pagkain na gawa sa malagkit na kanin. Kamakailan lamang, iba't ibang kakaibang uri o flavor na ang nilalabas na akma sa panglasang Pilipino at Chinese tulad ng pandan at ube. Sinisimbolo ng tikoy ang pananatiling magkasama ng mga bawat miyembro ng pamilya. Dahil sa malagkit ang tikoy, sinasabing ang pagkakaroon nito tuwing Chinese New Year ay "magpapalagkit" sa pagsasama ng mag-anak! |
Dahil sa dami ng mga Chinese na naninirahan sa bansa, ginawang opisyal na holiday ang Chinese New Year noong 2011. Kung babalikan ang kasaysayan, ang mga PIlipino ay nakikipagpalitan na ng mga produkto sa mga Chinese bago pa dumating ang mga Kastila. Dahil sa dami ng mga Tsino, inilagak sila ng mga Kastila sa Binondo, isang lugar sa Maynila. Napakasigla ng komersyo sa Binondo, kung saan napakarami ng mga negosyo ng mga Chinese at Filipino Chinese. At ito rin ang sentro ng kasiyahan kung Chinese New Year. |
Pula ang itinututuring na pinakamaswerteng kulay at maraming tao ang nagbibihis ng pula sa araw na ito. Nagbibigay naman ang mga mas nakakatanda sa mga bata ng pera na nasa loob ng mga pulang sobre na tinatawag na "ang pao". |
Hindi rin mawawala ang dragon dance, lion dance, at ang magarang mga paputok. Ang mga lion at dragon dance ay sinasabing nakapagbibigay ng swerte at katatagan ng negosyo o ng pamilya. Itinuturing rin na ang mga mas mahabang dragon ay nangangahulugan ng mas maraming swerte. |
Alam niyo ba na ang Binondo ang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo? Itinatag ito noong 1594. Ang ibig sabihin ng Binondo ay "binondoc" o binundok, na ibig sabihin ay mabundok, at tumutukoy sa maburol na lugar ng Binondo. |
At ngayon, ibibigay ko na ang sagot sa tanong kanina. |
Anong pagbati ang sinasabi ng mga tao tuwing sasapit ang Chinese New Year? |
Sa Hokkien na sinasalita ng mas maraming mga Chinese at mga Filipino Chinese sa Pilipinas, ang pagbati ay "Kiong Hee Huat Tsai". Pero karamihan sa mga Pilipino ang gumagamit ng Cantonese na pagbati na "Kung Hei Fat Choi". |
Kamusta ang lesson na ito? May interesanteng bagay ba kayong natutunan? |
Ipinagdiriwang niyo rin ba ang Chinese New Year? Paano niyo ito ginagawa? |
Mag-iwan kayo ng kumento sa FilipinoPod101.com. Hanggang sa susunod na lesson! |
Comments
Hide