Dialogue

Vocabulary (Review)

Learn New Words FAST with this Lesson’s Vocab Review List

Get this lesson’s key vocab, their translations and pronunciations. Sign up for your Free Lifetime Account Now and get 7 Days of Premium Access including this feature.

Or sign up using Facebook
Already a Member?

Lesson Transcript

Hello sa inyong lahat, ako si Erica.
Sa Pilipinas ipinagdiriwang Araw ng Bagong Taon tuwing ika-una ng Enero.
Ang selebrasyon ay nagsisimula sa Bisperas ng Bagong Taon kung saan ang mga pamilya ay nagtitipon para sa Media Noche at para sa pagpapaputok.
Kaya naman nasasabi na ang Bisperas ng Bagong Taon ang pinaka-maingay na araw sa Pilipinas dahil sa dami ng mga handaan, party, at paputok.
Sa lesson na ito, malalaman natin kung paano ipinagdiriwang ang Bagong Taon sa Pilipinas.
Ano sa tingin niyo ang disenyong maganda raw na isuot ng mga tao tuwing Bisperas ng Bagong Taon?
Sasabihin namin ang sagot sa katapusan ng video na ito.
Sa Bisperas ng Bagong Taon, nagtitipon ang mga pamilya sa bahay ng kanilang mga magulang para sa Media Noche.
Ang Media Noche ay isang handaan na pinagsasaluhan ng pamilya sa pagpasok ng bagong taon. Ang bawat pagkaing nakahanda ay mayroong nakapaloob na kahulugan at pinaniniwalaang magdadala ng swerte at kasaganaan para sa bagong taon.
Ilan sa mga inihahanda ay isang dosenang bilog na prutas na pinaniniwalaang magdadala ng kasaganaan; biko, para pangpa-dikit ng swerte; at ang pansit o spaghetti na magdudulot raw ng mahabang buhay.
Sa pagsalubong ng bagong taon, naniniwala ang mga Pilipino na kailangang mag-ingay upang takutin at paalisin ang mga masamang espiritu. Kaya naman, maaga pa lamang nagsisimula na ang pagpapaputok at karaniwang nagtutuluy-tuloy ito hanggang mag-umaga. Ang eksaktong pagpasok ng bagong taon naman ay ang pinaka-maingay sapagkat hindi lamang paputok ang maririnig kundi pati ang pagkalembang ng mga kawali at kaldero, ng mga torotot, at pagbusina ng mga sasakyan.
Kamakailan lamang, nauuso na sa Pilipinas lalo na sa Maynila ang pagpunta sa mga street party sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito ay dahil sa unti-unti nang ipinagbabawal ang mga paputok. Dahil sa dami ng mga pinapaputok at hindi naman propesyonal ang mga nagpapaputok sa kani-kanilang mga bahay, nagdadala ito ng panganib para sa kapitbahayan.
Kaya naman marami na rin ang mga dumadalo sa mga street party na sponsored ng dalawang pinaka-malaking estasyon ng telebisyon sa bansa. Isa na dito ang ginaganap taun-taon sa intersection ng Ayala at Makati Avenue. Dito, mapapanood nila ng malapitan ang kanilang mga paboritong artista, magsayawan at makanood ng fireworks display mula sa mga propesyonal na mga pyrotechnician sa bansa.
Alam niyo ba na sa pagsalubong ng bagong taon, tradisyon na sa mga bata ang pagtalon dahil pinaniniwalaan na ito ay magpapatangkad sa kanila sa bagong taon? Pero may pagkakataon pa rin na ang mga matatanda ay nakikitalon dahil umaasa pa silang tumangkad pa!
At ngayon, ibibigay ko na ang sagot sa tanong kanina.
Ano sa tingin niyo ang disenyong maganda raw na isuot ng mga tao tuwing Bisperas ng Bagong Taon?
Ang disenyong maganda raw na isuot tuwing Bisperas ng Bagong Taon ay polkadots!
Naniniwala ang mga Pilipino na kapag ang suot mo ay may disenyong pabilog tulad ng polkadots, magkakaroon ka ng masaganang taon. Puno ng swerte lalo na sa pera.
Kamusta ang lesson na ito? May interesanteng bagay ba kayong natutunan?
May sinusuot din ba kayong mga partikular na kulay o disenyo ng damit kung Bagong Taon?
Mag-iwan kayo ng kumento sa FilipinoPod101.com. Hanggang sa susunod na lesson!

Comments

Hide